Kings lalagok ng panalo sa Elite
MANILA, Philippines - Sa unang pagkakataon ay makakaharap ni Leo Isaac ang koponang nagpasikat sa kanya sa panahon ni playing coach Robert Jaworski, Sr.
Makakasukatan ng Barangay Ginebra ang Blackwater ngayong alas-7 ng gabi matapos ang laro ng Kia Sorento at Globalport sa alas-4:15 ng hapon sa 2014-2015 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sa kabila ng pagkakalasap sa una nilang kabiguan ay hangad ng Gin Kings ni coach Jeffrey Cariaso na masolo ang ikatlong puwesto, habang target ng Elite ni Isaac ang kanilang unang panalo sa komperensya.
Kasalukuyang magkasalo sa liderato ang Alaska at ang San Miguel sa magkatulad nilang 3-0 record kasunod ang Ginebra (2-1), Meralco (2-1), NLEX (2-1), Talk ‘N Text (2-2), Rain or Shine (2-2), Globalport (1-2), Kia Sorento (1-2), nagdedepensang Purefoods (1-2), Blackwater (0-3) at Barako Bull (0-3).
Mula sa 101-81 paglampaso sa Tropang Texters at 87-55 paggupo sa Sorento, yumuko ang Gin Kings sa Road Warriors, 81-97, noong nakaraang Miyerkules.
Isang 23-5 atake sa fourth quarter ang naging sandata ng NLEX para gibain ang Ginebra.
Nagmula ang Blackwater ni Isaac, dating point guard ng Gin Kings sa panahon ni Jaworski, sa 75-83 overtime loss sa Meralco para sa kanilang pangatlong sunod na kamalasan.
Sina Mark Caguioa, seven-foot Greg Slaughter, Japeth Aguilar, LA Tenorio at Chris Ellie ang muling ibabandera ng Gin Kings kontra kina Alex Nuyles, Ogie Menor, Sunday Salvacion, Bam Bam Gamalinda at JP Erram ng Elite.
Sa unang laro, hindi magagabayan ni playing coach Manny Pacquiao ang Kia sa ikatlong sunod na pagkakataon sa pagsagupa sa Globalport.
Kasalukuyang nag-eensayo ang Filipino world eight-division champion sa kanyang training camp sa General Santos City para sa kanyang laban kay Chris Algieri sa Nobyembre 22.
Nakalasap ang Sorento ng 88-117 pagkatalo sa Elasto Painters sa huli nilang laro, samantalang nakatikim ang Batang Pier ng 75-81 kabiguan sa Hotshots bagamat nakapagtayo ng isang 18-point lead sa kaagahan ng fourth quarter.
- Latest