MANILA, Philippines - Hindi nasisiraan ng loob ang Tanduay Light Rhum Masters kung ang gagawing kampanya sa PBA D-League Aspirants’ Cup ang pag-uusapan kahit may mga problema sa ilang manlalaro nito.
Puno ng determinasyon ang mga baguhan sa koponan tulad nina Roi Sumang at Leo de Vera sa kakayahan ng Rhum Masters na umani ng atensyon kahit wala na ang number two pick overall na si Chris Newsome at may problema ang koponan sa serbisyo ni 6’4 Mac Belo.
Si Sumang na naglaro sa UE ay hinugot mula sa Cebuana Lhuillier Gems at nasasabik siya dahil ito ang unang pagkakataon na hahawakan siya ni coach Lawrence Chongson.
“Si coach ang kumuha sa akin para sa UE pero hindi ko siya naging coach dahil nagpalit noong pumasok ako. Kaya masaya dahil makakapaglaro rin ako sa kanya,” wika ni Sumang.
Excited din ang 5’11 guard na sumagupa sa unang laro ng Tanduay sa Nobyembre 3 kontra sa MJM M-Builders/FEU dahil magkakaroon siya ng pagkakataon na maipaghiganti ang masasakit na pagkatalo na nalasap ng UE sa kamay ng FEU at National University na ang mga manlalaro nito ang bumubuo sa M-Builders.
Sa kabilang banda, ang 6’4 na si De Vera na rookie sa liga, ay handang patunayan na mas mabangis ang magandang teamwork kumpara sa isang koponan na puno ng mahuhusay na manlalaro.
Ang nagbabalik na Hapee ang siyang itinuturo bilang team to beat dahil nasa koponan ang mga kamador ng NCAA champion team San Beda sa pangunguna nina Ola Adeogun, Baser Amer at Arthur dela Cruz bukod pa kina Ray Parks Jr., Garvo Lanete, Earl Scottie Thompson at Newsome.
“They may have all the star players but if they don’t play as a team, it will be hard for them to win. I think that we can play as a team and will work hard every game,” pahayag ni De Vera na naglaro sa San Sebastian.
Dahil sa Lunes na ang laro kaya’t nagsagawa ng ensayo ang koponan noong Nobyembre 1 at 2 upang maihanda ang sarili sa matinding bakbakan. (ATan)