CLEVELAND -- Masama ang fieldgoal shooting ni LeBron James. Ang kanyang mga pasa ay walang nakakatanggap. Pangit ang kanyang ipinakita maliban sa paghahagis niya ng powder sa hangin.
‘’I didn’t press,’’ sabi ni James. ‘’I didn’t do much.’’
Tinabunan ng New York Knicks ang emosyunal na pagbabalik ni James sa Cleveland matapos iposte ang 95-90 panalo kontra sa Cavaliers.
Tumapos si James, nagbalik sa Cavs at sa kanyang pinagmulang Ohio matapos manalo ng dalawang NBA titles sa Miami, na may 17 points mula sa malamyang 5-of-15 fieldgoal shooting.
Nagtala rin siya ng 8 turnovers at tila hindi komportable sa gabi ng kanyang pagbabalik sa harap ng star-studded crowd.
Naglista si Kyrie Irving ng 22 markers at humakot si Kevin Love ng 19 points at 14 rebounds para sa Cavs.
Kumamada si Carmelo Anthony ng 25 points at nagsalpak ng isang baseline jump shot kontra kay James sa huling 25 segundo para ibigay sa Knicks ang 92-87 bentahe.
Nagdagdag sina Iman Shumpert at Jason Smith ng tig-12 points sa panig ng Knicks, nauna nang natalo sa Chicago Bulls.
Sa Orlando, naglista si guard John Wall ng 30 points at 12 assists at nalampasan ng Washington ang pagbangon ng Orlando Magic sa fourth period para kunin ang 105-98 panalo.
Kumolekta si Marcin Gortat ng 20 points at 12 rebounds para sa Wizards.
Sa Los Angeles, umiskor si Blake Griffin ng 23 points, tampok ang dalawang free throws sa natitirang 5.0 segundo, habang nagdagdag si Chris Paul ng 22 markers sa 93-90 pananaig ng Clippers laban sa Oklahoma City Thunder.
Nabalian ng kanang kamay si scoring guard Russell Westbrook na nagdagdag ng problema sa Thunder matapos ang injury ni Kevin Durant.