IEM muling pinatumba ang Systema

MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang dominasyon ng Instituto Estetico Manila sa Bench-Systema nang angkinin ang 25-23, 22-25, 25-21,25-21 panalo sa pagtatapos ng men’s division elimination round sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Hindi nagpaawat ang Volley Masters para wa­ka­san ang elims sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa suporta ng Accel at Mikasa tangan ang 5-1 ba­raha.

Bumaba ang Systema sa 4-2 karta pero hindi  apek­tado ang kampanya sa kampeonato sa torneo dahil ang dalawang koponan ay magtutuos muli sa Linggo sa pagsisimula ng best-of-three finals.

Si Jason Canlas ay may  13 kills at 2 aces patungo sa 16 points pero nakuha niya ang solidong suporta sa mga kakampi para walisin ng IEM ang dalawang pagtutuos nila ng Systema.

Si Jimenez ay may 14 hits mula sa 11 kills at 2 blocks, si Karl Ian Dela Calzada ay may tig-2 blocks at aces tungo sa 11 puntos, habang sina Rudy Gatdula at Michael Ian Conde ay nag-ambag ng tig-8 hits.

Balikatan ang labanan dahil ang bawat set ay pi­naglabanan ng halos 25 minuto.

Nakatulong din ang 14 digs ng liberong si Carlo Almario, habang si Reyvic Cerilles ay may 15 excellent sets.

Sina Angelo Espiritu at Sylvester Honrade ay nagtapos taglay ang 10 at 9 kills tungo sa 12 at 11 points, habang si Salvador Depante ay may 11 puntos pa na si­nahugan ng 2 blocks.

Ngunit hindi ito sapat pa­ra manalo sila.

 

Show comments