Azkals sasagupain ang Gorkhalis

MANILA, Philippines - Lalabanan ng Philippine Azkals ang Nepal Gorkhalis sa una sa dalawang friendly matches na kanilang itinakda bilang paghahanda sa AFF Suzuki Cup.

Makakatapat ng Azkals, may 17 players lamang para sa Qatar camp, ang Gorkhalis ngayong alas-7:40 ng gabi (alas-12:30 ng madaling-araw bukas sa Maynila) sa Al Arabi Stadium kasunod ang Qatari team sa Linggo sa Al Ahli.

Nabigong mahugot ng Azkals sa Ceres La Salle FC sina Patrick Reichelt, Jeff Christiaens, Manny Ott at Juani Guirado

Hindi pinayagan ng Ceres ang apat na players na ma­kasama sa training camp ng Azkals dahil sa paghahanda ni­la para sa United Football League FA Cup.

Sasagupain ng Ceres ang semis ang Pachanga Di­liman sa Nobyembre 4, ang petsa kung kailan naman mag­­babalik ang  Azkals sa Manila.

Ang tanging ibinigay ng Ceres sa Azkals ay si Filipino-Dutch Paul Mulders.

Makakasama ni Mulders sa national team sina Phil at James Younghusband, Mark Hartmann, Daisuke Sato, Amani Aguinaldo, Misagh Bahadoran, Anton del Rosario at Chris Greatwich.

Paboritong manalo ang Azkals kontra sa Gorkhalis na kanilang blinangko sa 3-0 sa isang friendly match noong Abril sa Doha, Qatar.

 

Show comments