MANILA, Philippines - Hiningi ng Philippine Taekwondo Association (PTA) ang tulong ng Philippine Olympic Committee (POC) para pigilan ang plano ng Singapore SEA Games Organizing Committee na bawasan ang bilang ng weight divisions na paglalabanan sa 2015 SEA Games.
Si PTA secretary general Monsour del Rosario ang siyang naghayag ng problema sa isinagawang POC General Assembly kahapon sa Wack Wack Golf and Country Club dahil malaki ang magiging epekto nito sa hangaring pagsungkit ng medalya ng Pilipinas sa nasabing kompetisyon.
Mula sa dating tig-anim na weight classes sa kalalakihan at kababaihan, nagpasabi ang Singapore organizers na babawasan pa nila ito ng tatlo para magkaroon lamang ng tig-tatlong weight divisions sa magkabilang panig.
Ang Singapore rin ang mamimili kung ano ang weight divisions na paglalabanan.
Sinabi pa ni Del Rosario na mula pa noong 1987 SEAG ay 12 ang weight divisions na ang pinaglalabanan kaya’t kagulat-gulat ang aksyon na ito ng host country.
Bukod sa taekwondo, ang judo ay binawasan din ng weight classes habang ang sanda sa wushu ay naging dalawa na lamang mula sa dating pito.
Tumapos ang Pilipinas sa pinakamasamang ikapitong puwesto sa Myanmar SEAG noong 2013 bitbit ang 29 ginto, 34 pilak at 38 bronze medals. (ATan)