Mane ‘n Tail nakatikim na ng panalo

   Pinaluan ni Irena Tarasova ng Foton si Lilet Mabbayad ng Mane ‘N Tail sa aksyong ito sa PSL Grand Prix women’s violleyball. (Joey Mendoza)

Laro sa Nov. 5)

(Cuneta Astrodome,

Pasay City)

2 p.m.  Generika

 vs Foton (W)

4 p.m.  RC Cola

vs Petron (W)

6 p.m. Cignal

vs Maybank (M)

 

MANILA, Philippines - Gumawa si Kristy Jaec­kel ng 40 hits para tulungan ang Mane ‘N Tail sa 25-22, 17-25, 22-25, 25-19, 15-6, panalo laban sa gaya nilang expansion team Foton para sa unang panalo sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Ang 40 hits ay nagmula sa 32 kills apat na blocks at apat na service aces para lumabas na pinakamahusay na attacker sa ligang inorganisa ng Sports Core at suportado ng Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstor, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.

Bago ito ay gumawa si Jaeckel ng 31 laban sa Cignal at 37 puntos kontra sa Petron sa naunang dalawang laro ngunit sinamang-palad na natalo ang nasabing koponan.

“It was a total team effort,” wika ni Jaeckel sa naitalang marka. “You can’t score too many points without the support of your teammates.”

Masaya si coach Francis Vicente sa nakuhang panalo pero nababahala rin siya sa katotohanang si Jaeckel lamang ang kan­yang kamador.

“Kailangan din umiskor ang mga locals dahil hindi kakayanin ni Kristy na umiskor ng 37 kada laro. Para may abutin kami, hindi lamang ang import kundi ang locals ay dapat ding tumulong. Teamwork ang ikatatagumpay namin,” dagdag ni Vicente.

Bumaba ang Foton sa 0-2 baraha para makasalo sa huling puwesto ang Ge­nerika.

Matapos matalo sa first set ay nagising ang Foton sa pangunguna ni Irina Tarasova at naipanalo pa ang sumunod na dalawang sets para lumamang sa 2-1.

Pero wala silang pantapat kay Jaeckel para sumipa ang Lady Stallions sa huling dalawang sets.

Magpapahinga ang liga ngayong Undas at magbabalik ang aksyon sa Miyerkules (Nobyembre 5) sa isa pang triple-header. (AT)

Show comments