MANILA, Philippines – Habang tumatagal ay nasasaktan ni Manny Pacquiao ang kanyang mga sparmates sa training camp nila sa General Santos City.
Tatlong araw na ang nakararaan ay nabasag ni Pacquiao ang ilong ni light welterweight contender Viktor Postol ng Ukraine, habang napuruhan naman niya si dating American world welterweight titlist Mike Jones sa isa nilang sparring session.
“Manny broke Postol’s nose three days ago. But Postol’s okay. I train him. He’s a fighter, he’s a tough kid and he’s not going home,” sabi ni chief trainer Freddie Roach sa 5-foot-11 na si Postol (26-0-0, 11 KOs).
Sinabi ni Roach na kumuha siya ng mga malalaking sparmates para maihanda ang 5’6 na si Pacquiao (56-5-3, 38) sa kanyang pagsagupa kay 5’10 American challenger Chris Algieri (20-0-0, 8 KOs) sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Bukod kina Postol at Jones (26-2-0, 19 KOs) ay ka-sparring din ni Pacquiao si 5’10 Stan “The Man” Martyniouk (13-2-0, 2 KOs).
“The thing is I have my number one contender from Ukraine (Postol) and he’s a very good boxer and he could beat Algieri right now,” ani Roach. “That’s why I brought him in as a number one sparring partner because he has that style.”
Itataya ng 35-anyos na si Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban sa 30-anyos na si Algieri sa catchweight na 144 pounds, mas magaang ng tatlong libra sa welterweight limit na 147 pounds.
Kasalukuyang nasa Hong Kong sina Pacquiao at Roach kasama si promoter Bob Arum para sa promosyon ng kanilang laban ni Algieri.
“We still have three hard weeks of work in front of us. With three good sparring partners, it’s working out well. I have one more sparring partner coming over as a reserve, but I will use him as well,” wika ni Roach.
Kamakalawa ay nagdaos sina Pacquiao at Roach ng light training session sa harap ng mga boxing fans sa EPIC MMA Club sa Central Hong Kong.