MANILA, Philippines - Malakas ang posibilidad na makuha ng Lanao del Norte ang pangangasiwa para sa 2015 Palarong Pambansa.
Ito ay matapos humanga ang three-man inspection team mula sa Department of Education (DepED) sa ganda ng mga playing venues at billeting quarters na inihahanda ng Lanao del Norte para sa 2015 Palarong Pambansa.
Sinabi ni Technical Inspection Team member Jason Razal na ang mga pasilidad ng probinsya ay angkop sa international standards tampok ang all-weather oval track at mahabang grandstand.
Nauna nang napamahalaan ng Lanao del Norte ang 2003 Palarong Pambansa at ang 2008 Philippine Olympic Festival bukod pa sa Mindanao Friendship Games at Northern Mindanao Regional Athletic Association (NMRAA).
Ang mga sporting events na nakalatag sa 2015 Palarong Pambansa ay ang archery, arnis, athletics, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, football, gymnastics, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, tennis, volleyball, billiards, futsal, wushu at wrestling.
Maliban sa Lanao del Norte, ang iba pang Local Government Units (LGUs) na naghahangad na maging host ng 2015 Palarong Pambansa ay ang Pagadian, Tagum, Koronadal, Dipolog, Butuan at Surigao.
Ang Palarong Pambansa ay isang annual multi-sporting event na nilalahukan ng mga student-athletes mula sa 17 rehiyon at pinapatakbo ng DepEd.