MANILA, Philippines – Magkakaroon ng pagkakataon si Dennis Orcollo na mahagip ang ikalawang titulo sa World Pool Masters matapos maimbitahan na sumali sa 22nd edisyon na gagawin sa Portland Centre sa Nottingham mula Nobyembre 14 hanggang 15.
Ang 16 pinaka-mahuhusay na bilyarista sa mundo ang magsusukatan sa tatlong araw na kompetisyon na maggagawad ng $20,000.00 gantimpala habang ang papangalawa ay may $10,000.00 premyo.
Si Orcollo ang ikalawang bilyarista ng bansa na nakapagdomina sa nasabing kompetisyon matapos pagharian ang 2010 edisyon.
Si Francisco “Django” Bustamante ang naunang nagpasikat sa Pilipinas nang kunin ang kampeonato ng dalawang beses noong 1998 at 2001.
Inimbitahan rin si Bustamante pero may iba siyang pagkakaabalahan sa mga petsa ng kompetisyon.
Mabigat ang laban dahil tatlong kampeon ang magbabalik.
Si Niels Feijen ng Holland ang siyang nagdedepensang kampeon habang ang iba pang dating kampeon ay sina Alex Pagulayan ng Canada (2008), Darren Appleton ng England (2009) at Karol Skowerski ng Poland (2012)
Sina US Open champion Shane Van Boening, Mika Immonen ng Finland, Thorsten Hohmann ng Germany, Karl Boyes, Mark Gray at Chris Melling ng England, Nikos Ekonomopoulos ng Greece, Daniele Corrieri ng Italy, James Georgiadis ng Australia, Waleed Majid ng Qatar at Wang Can ng China ang kukumpleto sa mga maglalaro.
Knockout ang format ng tagisan at si Orcollo na hindi seeded, ay magbubukas ng kampanya kontra sa third seed na si Melling.
Pakay ni Orcollo na palawigin ang $88,575.00 na kinita na sa taong ito. Siya ang nasa ikatlong puwesto sa overall money list at galing sa pangalawang puwestong pagtatapos sa US Open. (AT)