MANILA, Philippines – Walisin ang kanilang laro sa elimination round ang nakataya na lamang sa Army Lady Troopers sa pagharap sa PLDT Home Telpad Turbo Boosters sa pagpapatuloy ngayon ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference sa The Arena sa San Juan City.
Katipan ng Lady Troopers ang Turbo Boosters sa ikalawang laro dakong alas-6 ng gabi at ikaanim na sunod na panalo ang mahahagip ng Army sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa suporta ng Accel at Mikasa.
Mauunang magsukatan ang Systema Active Smashers at Rizal Technological University Blue Thunders sa ganap na alas-4 ng hapon at pakay na lamang ng una ang manalo para sa momentum sa finals.
Selyado na ng Systema Instituto Estetico Manila Volley Masters ang upuan sa championship round dahil parehong talsik na ang Blue Thunders at FEU Tamaraws.
Pasok na sa finals ang Army pero asahan pa rin ang pagpuntirya sa panalo para magkaroon ng momentum sa pagsapit ng championship round.
Umani ng four-set panalo ang Lady Troopers sa Turbo Boosters sa unang pagtutuos at dapat silang maging handa sa mas matinding hamon dahil sa kahalagahan ng makukuhang panalo ng huli.
Sa 2-3 baraha ay kaila-ngan ng PLDT na magwagi at manalangin na matalo ang pumapangalawang Cagayan Valley Lady Rising Suns (3-2) sa walang panalong Meralco Power Spikers upang umabante na rin sa championship.