MANILA, Philippines – Bubuhos ang pera sa Nobyembre 7 para sa mga atletang nanalo ng medalya sa tatlong malalaking kompetisyon na kanilang sinalihan.
Mangunguna sa tatanggap ng insentibo ay ang naglaro sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Kasama sa tatanggap ay ang mga differently abled athletes na nanalo sa Para Games habang ang dragon boat team na nag-uwi ng 11 medalya, tampok ang limang ginto, sa World Championships sa Poland ay gagawaran din ng insentibo.
“We will give all the athletes who won medals their incentives on Novermber 7,” wika ni PSC chairman Ricardo Garcia.
Sa petsang ito gagawin din ang First Friday Mass at katatampukan din ito ng sendoff ceremony sa Pambansang delegasyon na lalaro sa Asian Beach Games sa Phuket, Thailand mula Nobyembre 14 hanggang 23.
Umani ang Pilipinas ng isang ginto, tatlong pilak at 11 bronze medals sa Asiad at ang gantimpala rito ay P1 milyon, P500,000.00 at P100,000.00.
Si Daniel Caluag ang naghatid ng ginto sa BMX cycling at nakuha na niya ang kanyang incentive.
Ang mga para-athletes na naghatid ng limang pilak at limang bronze medals ay tatanggap ng P15,000.00 at P10,000.00 ayon sa pagkakasunod habang P100,000.00 ang tatanggapin ng bawat kasapi ng dragon boat team sa ibinigay na karangalan.
Ipinaliwanag ni Garcia na hindi tulad sa Asian Games medalists, ang mga nanalo sa ParaGames at World Dragon Boat Championships ay hindi pa saklaw ng Incentives Act. (AT)