MANILA, Philippines - Ipinalasap ng San Miguel Beer ang ikalawang kamalasan ng nagdedepensang Purefoods mula sa kanilang 87-80 panalo para sumalo sa liderato sa 2014 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nakabalik sa porma ang Beermen matapos maisuko ang 19-point lead, 56-37, sa third period para iposte ang kanilang 2-0 record at makasosyo sa unahan ang Ginebra Gin Kings.
Naglaro ang Hotshots, may 0-2 baraha, nang wala ang mga may injury na sina two-time MVP James Yap, Marc Pingris at Ian Sangalang.
Nakabangon ang Purefoods mula sa 19-point deficit para ilapit ang laro sa 80-85 sa huling 46.1 segundo bago sinelyuhan ni Chris Lutz ang panalo ng San Miguel sa kanyang basket sa natitirang 23 segundo.
Sa unang laro, nakamit ng Globalport ang una nilang panalo matapos ilaglag ang Barako Bull, 91-81, sa likod ng 19 points, 8 rebounds at 2 assists Stanley Pringle.
Pinamunuan ni Alex Cabagnot ang Globalport mula sa kanyang 21 markers, habang may tig-12 sina Mark Isip at Yancy De Ocampo.