Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
3 p.m. Barako Bull vs Globalport
5:15 p.m. San Miguel vs Purefoods
MANILA, Philippines - Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay muling naglampaso ng kalaban ang Gin Kings.
Kinuha ng Barangay Ginebra ang kanilang pangalawang dikit na panalo matapos gibain ang Kia Motors, 87-55, para sikwatin ang liderato ng 2014 PBA Philippine Cup kagabi sa Quezon Convention Center sa Lucena City.
Nauna nang pinatumba ng Ginebra ang Talk ‘N Text, 101-81, sa kanilang unang laro sa pagbubukas ng 40th PBA season noong Oktubre 19 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Binuksan ng Gin Kings ang laro sa 7-0 bago nakalamang ang Sorento, hindi naigiya ni playing coach Manny Pacquiao na kasalukuyang nag-eensayo sa General Santos City, sa 20-19 buhat sa dalawang free throws ni guard Rudy Lingganay sa 10:07 minuto ng second period.
Mula rito ay nagpa-kawala sina seven-footer Greg Slaughter, 6’8 Japeth Aguilar at Joseph Yeo ng 24-2 atake para ibigay sa Ginebra ang 43-22 kalamangan sa halftime.
Muling umarangkada ang koponan ni rookie coach Jeff Cariaso sa third quarter kung saan nila ibinaon ang Kia ni assistant mentor Glenn Capacio sa 67-42.
Itinala ng Gin Kings ang malaking 79-44 bentahe sa 6:39 minuto ng final canto buhat sa dalawang free throws ni rookie James Forrester.
Samantala, puntirya naman ng San Miguel (1-0) na makasalo sa liderato ang Ginebra (2-0) sa pagsagupa sa nagdedepensang Purefoods (0-1) ngayong alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Magtatagpo naman sa alas-3:13 ang Globalport (0-1) at ang Barako Bull (0-1).
Ginebra 87--Slaughter 16, Aguilar 16, Reyes 12, Ellis 10, Yeo 9, Mamaril 7, Tenorio 6, Caguioa 4, Helterbrand 3, Forrester 2, Baracael 2.
Kia Motors 55--Lingganay 14, Cervantes 14, Revilla 7, Alvarez 6, Alonzo 3, Raymundo 3, Thiele 2, Ighalo 2, Padilla 2, Buensuceso 2.
Quarterscores: 17-11; 43-22; 67-42; 87-55.