Viernes inilusot ang Hobe Bihon

Mismong si Mayor Del De Guzman (gitna) ang nag­ hagis ng bola sa ceremonial tip­off ng 4th DELeague Invitational Basketball Tournament sa Marikina Sport Center noong Linggo. Nasa larawan din sina (mula kaliwa) Richard Smith ng Sta. Lucia Land, DELeague commissioner Sonny Manucat III, Executive Com­ mittee Chairman Coun. Frankie Ayuson at Mac Belo ng Hobe Bihon. Nagwagi ang Hobe sa pagbubukas ng torneo laban sa Sta. Lucia Land, 80­79.

MANILA, Philippines - Naipasok ni Jeff Viernes ang isang 16-footer sa hu­ling 47 segundo para ibigay sa Hobe Bihon ang 80-79 panalo sa Sta. Lucia Land sa pagbubukas ng 4th DELeague Invitational Basketball Tournament noong Linggo sa Marikina Sport Center sa Marikina City.

Si dating PBA player Mark Yee at Mac Belo ng FEU ay may tig-15 puntos habang si Viernes ay naghatid ng 13 puntos para ibigay sa koponan ang unang panalo.

Binalikat nina Jars Bautista at Mike Parala ang laban ng 2011 champion Sta. Lucia sa kinanang  27 at 24 puntos.

Nakasalo sa liderato ang Supremo Lex Builders na naisahan ang Kawasaki Marikina, 70-66.

Si Marikina Mayor Del De Guzman ang nanguna sa opening ceremony ng liga na sinusuportahan din ng PCA Marivalley, St. Anthony Hospital, CLJ Properties, PS Bank Blue Wave Marquinton Branch, Luyong Restaurant Concepcion, Mickies Equipment Sales and Rental, Tutor  911, at Toyota Motors Marikina.

Mapapanood ang mga laro simula 7 p.m. tuwing Martes, Huwebes, Sabado at Linggo sa Marikina Sports Center.

Mabibili ang ticket sa halagang P10 lamang.

 

Show comments