MANILA, Philippines - Hindi hahayaan ng Philippine Volleyball Federation (PVF) na masayang ang magandang pangyayari na nagaganap sa team sport na ito.
Ang problema sa rekognisyon mula sa Philippine Olympic Committee (POC) ang siyang aatupagin ng PVF para makakuha rin ng suporta sa Philippine Sports Commission (PSC).
Isang General Assembly meeting ang magaganap sa asosasyon sa buwan ng Nobyembre para maisaayos ang kanilang Constitution at By-Laws na magreresulta para maidaos ang halalan.
“Tentative ay sa last Friday ng November gagawin ang GA at lahat ng mga stakeholders ay pagsasama-samahin namin para mapag-usapan ang aming By Laws. Iyon ang gusto ng POC at sisikapin naming gawin ito para maayos na ang lahat,” pahayag ni PVF secretary general Rustico Camangian.
Iimbitahan din ng PVF ang kinatawan ng POC sa kanilang pagpupulong para maging maayos ang proseso.
“Kapag naayos na ang Constitution, ang eleksyon ay gagawin early next year,” dagdag pa ni Camangian.
Malaki ang senyales na babangon na ang volleyball ng bansa matapos ang makasaysayang paglalaro ng National U17 girls volleyball team sa 10th Asian Youth Volleyball Championship sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Nagtala ng apat na panalo ang koponan at tumapos sa ika-pitong puwesto na pinakamaganda sa kasaysayan ng paglahok ng PVF.
Bumuo na rin ang PVF ng malakas na men’s at women’s National teams na suportado ng PLDT HOME Fibr na huhugutin para sa 2015 SEA Games sa Singapore.