MANILA, Philippines - Matapos ang PBA debut ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao bilang playing coach ng Kia Motors, papagitna naman ang No. 1 overall pick at ang bagong head coach ng San Miguel Beer.
Makakasukatan ng Globalport Batang Pier ang NLEX Road Warriors ngayong alas-4:15 ng hapon kasunod ang salpukan ng Beermen at ng Rain or Shine Elasto Painters sa alas-7 ng gabi sa 2014 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Ibabandera ng Globalport si No. 1 overall pick Stanley Pringle na bubuo sa tinatawag ni team owner Mikee Romero na ‘three-headed monster’ kasama sina Alex Cabagnot at Terrence Romeo.
“Watch out for the three-headed monster. Talagang marami ang mahihirapan sa kanila this season,” deklarasyon ni Romero.
Bukod kina Pringle, Cabagnot at Romeo ay ipaparada rin ng Batang Pier sina Mark Isip, Ronjay Buenafe, Nonoy Baclao, Keith Jensen, Kelly Nabong at Yancy De Ocampo.
Lahat ng players dito ay pinili namin at alam naming lalaban up to the last second of the game,” sabi ni coach Pido Jarencio sa Globalport.
Para paghandaan ang Philippine Cup ay nagtungo ang Batang Pier sa Korea kung saan nila kinalaban ang ilang collegiate at club teams.
Itatapat naman ng NLEX, bumili sa prangkisa ng Air21 Express, ni mentor Boyet Fernandez sina Asi Taulava, Mac Cardona, Nino ‘KG’ Canaleta, Aldrech Ramos, Rico Villanueva at Eloy Poligrates.
Sa ikalawang laro, gagabayan ng bagong coach na si Leo Austria ang San Miguel Beer laban sa Rain or Shine ni mentor Yeng Guiao.
Sina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Sol Mercado, Marcio Lassiter, Chris Lutz at Doug Kramer ang aasahan ng Beermen ni Austria, pumalit kay Biboy Ravanes.