MANILA, Philippines - Isang panalo pa at magiging ikalawang koponan ang San Beda Red Lions na nakasungkit ng limang sunod na titulo sa NCAA.
Kumana si Ola Adeogun ng 14 puntos, 14 rebounds at 4 blocks para tulungan ang Lions sa 74-66 panalo sa Arellano Chiefs sa Game One ng 90th NCAA men’s basketball Finals kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
May all-around game na 17 puntos, pitong assists at limang rebounds si Baser Amer habang sina Anthony Semerad at Arthur dela Cruz ay naghatid pa ng 14 at 13 puntos para kunin ang 1-0 kalamangan sa best-of-three championship series.
Mainit agad si Semerad matapos maghatid ng siyam na puntos sa unang yugto na kung saan lumayo ang Lions ng 15 puntos, 26-11.
Naghabol ang Chiefs at nagawang itabla ang iskor sa 31-all pero si Adeogun at Dela Cruz ay naghatid ng tig-apat na puntos habang si Semerad ay kumana ng ikalawang triples para sa 40-31 halftime lead.
Magkasunod na tres nina Amer at Dan Sara ang naglayo pa sa Lions sa 50-37 at kahit napababa ng Chiefs ang kalamangan sa lima, 61-56, sa magkasunod na transition baskets ni Jiovani Jalalon, ay sapat pa rin ang puwersa ng bataan ni coach Boyet Fernandez para maisantabi ang paghahabol ng Chiefs.
Si Keith Agovida ay gumawa ng 14 puntos at 17 rebounds pero nagtala lang siya ng 4-of-13 shooting sa free throw line.
May 11 puntos si Dioncee Holts puntos habang si Jalalon ay may siyam na puntos lamang dahil na-foul out siya sa huling 6:07 ng huling yugto.
Samantala, lumapit ang Mapua Red Robins para tapusin ang limang taong dominasyon ng San Beda Red Cubs sa 84-75 tagumpay sa juniors division.
Hanap ng Red Robins na makatikim uli ng kampeonato na huling nangyari noon pang 2000.