MANILA, Philippines – Pinatunayan ng National U-17 girls volleyball team na tunay na mas mahusay sila kumpara sa New Zealand sa 25-21, 25-15, 25-22, panalo sa pagtatapos ng 10th Asian Youth Girls Volleyball Championship sa MCC Hall Convention Center sa Nakhon Ratchasima, Thailand kahapon.
Hindi umubra ang depensang inilatag ng Kiwis sa determinang pag-atake ng Pilipinas para maulit ang 25-11, 21-25, 25-5, 25-14, na nangyari sa tagisan sa Pool E noong Oktubre 15.
Tinapos ng Pambansang koponan na ipinadala ng Philippine Volleyball Federation (PVF) at hinawakan ni coach Jerry Yee ang kampanya bitbit ang impresibong apat na panalo para maitala rin ang pinakamagandang pagtatapos sa anim na beses na paglahok ng bansa sa ikapitong puwesto.
Sa naunang limang pagkakataon na sumali ang Pilipinas ay tumapos ang inilahok na koponan sa ikawalong puwesto.
Nagpasalamat ang PVF sa pangunguna ng pangulong si Karl Chan at secretary general Rustico Camangian sa ipinakita ng mga batang manlalaro na walang isang buwan na nagsama-sama para sa prestihiyosong kompetisyon na sinalihan ng 13 bansa.
Nangyari ang pinakamagandang pagtatapos sa panahong nagbabalak bumangon ang Pilipinas mula sa di magandang kinalalagyan kung standings sa international scene ang pag-uusapan.
Ang mga nakasama sa koponan ay inaasahang tatapikin din para buuin ang Under-23 na ihahanda sa susunod na malalaking torneo. (AT)