Thompson tinanghal na NCAA MVP
MANILA, Philippines - Hindi nauwi sa wala ang magandang ipinakita ni Earl Scottie Thompson ng Perpetual Help Altas sa 90th NCAA men’s basketball nang tatlong individual awards ang nakuha niya.
Tampok na parangal ay ang Most Valuable Player award na sa pagtatapos pa lamang ng first round elimination ay nakareserba na sa kanya matapos agwatan agad ang mga katunggali.
Maliban sa MVP, kabilang din si Thompson sa Mythical Five at pinatunayan na hindi lamang siya maaasahan sa opensa dahil kabilang din siya sa Best Defensive Team.
Kasama ng third year player sa Mythical Five ang kakamping si Harold Arboleda, San Beda Red Lions import Ola Adeogun, San Sebastian Stags forward Bradwyn Ginto at Arellano Chiefs guard Jiovani Jalalon.
Sina Lyceum Pirates center Joseph Gabayni, Adeogun, Guinto at Abdul Abdul Wahab ng host Jose Rizal University Heavy Bombers ang nakasama ni Thompson sa Defensive team.
Ang mga Chiefs na sina Jalalon at Dioncee Holts ang kinilala bilang Most Improved Player at Rookie of the Year, ayon sa pagkakasunod habang si Gabayni ang pinarangalan bilang Defensive Player of the Year.
Ang Heavy Bombers ang ginawaran ng Sportsmanship Award ng season.
Sa pagtutulungan nina Thompson, Arboleda at Juneric Baloria ay pumasok ang Altas sa Final Four sa ikatlong sunod na taon pero minalas na hindi umubra uli sa four-time defending champion San Beda, 75-81, para mamaalam na.
Babalik pa si Thompson sa Season 91 at kahit wala na sina Baloria at Arboleda ay mas malakas ang koponang hawak ni coach Aric Del Rosario dahil sa pagpasok ng mga imports na sina 6’7 Akhueti Bright at ang 6’11 na si Eze Prince.
- Latest