Laro Ngayon (Philippine Arena, Bocaue, Bulacan)
3 p.m. Kia vs Blackwater
5:15 Ginebra vs Talk ‘N Text
MANILA, Philippines - Kaagad na mag-uunahan para sa kanilang unang panalo ang Barangay Ginebra at Talk ‘N Text, habang magkakasubukan naman ang Kia Motors at ang Blackwater para sa pagbubukas ng 40th season ng PBA sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Maghaharap ang Gin Kings at ang Tropang Texters ngayong alas-5:15 ng hapon matapos ang salpukan ng Sorentos at Elite sa alas-3:15 sa pagsisimula ng PBA Philippine Cup.
Inaabangan ng mga basketball fans kung ano ang maipapakita ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao bilang playing coach ng Kia.
Kinumpirma kamakalawa ni team manager Eric Pineda ang paglalaro ng 5-foot-6 at 35-anyos na si Pacquiao para sa kanyang debut game.
Ayon kay Pineda, pinayagan ni chief trainer Freddie Roach si ‘Pacman’ na maglaro ng ilang minuto at binilinan na magdahan-dahan sa pagsalaksak para makaiwas sa anumang disgrasya.
Pinaghahandaan ni Pacquiao ang kanyang pagdedepensa sa suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay American challenger Chris Algieri sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Matapos ang kanilang laro ng Blackwater ay kaagad na babalik si Pacquiao sa General Santos City para ipagpatuloy ang kanilang ensayo ni Roach.
Makakatuwang ni Pacquiao sa bench ng Sorentos si assistant coach Glenn Capacio.
Sina dating PBA top draft pick at Rookie of the Year Rich Alvarez, Hans Thiele, LA Revilla, Richard Alonzo, Rudy Lingganay, Reil Cervantes at Michael Burtscher ang ipaparada ng Kia bukod pa kina rookies Kenneth Ighalo, Eder Saldua, Josh Webb, Paul Sanga, Alvin Padilla at Angelus Raymundo.