CARSON, California - Sa paglapit niya sa edad na 32-anyos ay nararamdaman ni Nonito Donaire Jr. na mas tumatalino pa siya.
Sinabi niyang ibang boksingero na siya ngayon kumpara noon.
Kontra kay Nicholas Walters ng Jamaica, patutunayan ni Donaire na mas gumagaling pa siya habang dumadaan ang panahon.
“I don’t think I’m the same fighter as before. I trained to be a different fighter. I’m getting better,” sabi ni Donaire.
Ito ay isang krusyal na laban dahil kung matatalo si Donaire kay Walters ay maaari na niyang ikunsidera ang ibang bagay maliban sa boksing.
Si Walters ay isang mapanganib na kalaban kay Donaire.
Ngunit nararamdaman ni Donaire na kaya niya si Walters dahil sa ginawa niyang mahabang pagsasanay at ito na marahil ang pinakamaganda niyang kondisyon.
Ayon sa isang foreign scribe, narinig na niya noon ang tinuran ni Donaire, ang 2012 Fighter of the Year, at hindi na umano impresibo ang kanyang ipinakita.
Pero muling ipinagdiinan ng Filipino fighter na ibang Donaire ang kanilang mapapanood.
“The old Donaire was very confident, very young and talked a lot,” sabi pa ni Donaire.
“This time it’s the knowledge and it’s the experience. I’m wiser. I don’t say much (now). I just do what I need to do,” dagdag pa nito.
Ang dating Donaire ay palagiang naghahanap ng knockout. Subalit ngayon ay mas teknikal na ang kanyang istilo.
“I was just had one style before and that’s to knock people’s head off. This time we’re bringing it back to being a multi and technical fighter,” ani Donaire.
Hindi naman inaasahan ni Walters na lalabanan siya ni Donaire.