MANILA, Philippines - Pondong P1.5 bilyon ang kakailanganin para maidaos ang 2019 FIBA World Cup sa Pilipinas.
Ngunit sa kabila nito, seryoso pa rin ang Samahang Basketbol ng Pilipinas sa kanilang hosting bid.
Sinabi ni SBP deputy executive director for external affairs Butch Antonio na kung sa Pilipinas ibibigay ang hosting rights ay dapat magtulungan ang public at private sectors para ito maging matagumpay.
Kamakailan ay dumalo sina SBP executive director Sonny Barrios, Antonio at logistics director Andrew Teh sa isang two-day seminar sa Madrid kung saan pinaliwanagan ni FIBA director of events Predrag Bogosavljev, isang Serbian, ang mga partisipante sa pre-qualifying conditions para mag-bid.
Tanging ang Pilipinas at Brazil pa lamang ang nagkumpirma ng kanilang pagbi-bid.
Ngunit sa Madrid, maraming bansa ang dumalo sa seminar, kasama rito ang China, Germany, France, Russia at Lithuania.
Ang deadline para sa mga bidders para magsumite ng kanilang aplikasyon ay sa katapusan ng Oktubre.
Sa susunod na buwan ay ihahayag ng FIBA ang short list ng mga candidate nations. Isang workshop ang idaraos para sa mga bidders sa Geneva sa Disyembre.
Bibisitahin ng mga FIBA officials ang mga bidding countries para magsasagawa ng inspeksyon sa Enero at Pebrero sa susunod na taon.
Si SBP president Manny V. Pangilinan ay isa sa 26 members ng Central Board.
Para ipormalisa ang kanilang bid, ang isang bansa ay dapat magbayad ng application fee ng 50,000 Euros o P2.9 milyon sa FIBA.