MANILA, Philippines - Kasabay ng pagpapakilala sa publiko ng 12 overseas players ay kapwa nangako ng magandang laban ang mga head coaches ng anim na koponang kalahok sa women’s division ng 2014 Philippine SuperLiga Grand Prix na inihahandog ng Asics.
“Confident kami dahil nagkakaroon na ng jelling ang mga imports namin at ang mga locals sabi ni Petron Blaze head coach George Pascua kahapon sa press conference sa Smart Araneta Coliseum.
Sina dating Ms. Oregon Alaina Bergsman at Brazilian Erica Adachi ang makakatuwang ng nagbabalik na si Dindin Santiago para sa kampanya ng Petron Blaze Spikers.
Maliban sa Petron Blaze, kasali rin sa women’s division ang Cignal, RC Cola at Generika kasama ang mga baguhang Mane and Tail at Foton.
Ipaparada ng Foton sina Russian imports Elena Tarasova at Irina Tarasova.
Ang iba pang paparadang reinforcements ay sina Lindsay Stalizer at Sarah Ammerman ng Cignal, Bonita Wise at Emily Brown ng RC Cola, Myru Shinohara at Natalia Korobkova ng Generika at Kristy Jaeckel at Kayle Manns ng Mane and Tail.
Magkakaroon ng bagong reyna dahil hindi sumali ang Philippine Army.
Ang Generika na siyang nagdala sa Lady Troopers ay sinuportahan ngayon ang dating koponan ng Air Asia.
Ang press conference ay dinaluhan nina Sports Core president Ramon Suzara, PSL chairman Philip Ella Juico, Kenjie Ong, ang Marketing Director sa Asia ng Asics, Edgar Yabes, ang Ilocos Sur Office of the Governor administrator, Paolo Diaz ng Solar Sports at Ian Laurel, ang PSL Commissioner.
Ang mga kalahok naman sa men’s class ay ang Cignal, Bench, PLDT Air Force, Fourbees-Cavite Patriots at Maybank.