MANILA, Philippines - Hindi pahihindian ni Globalport owner Mikee Romero sakaling humingi ng tulong ang bagong pamunuan ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) para sa Pambansang koponan na idedepensa ang titulo sa bansa sa East Asia tournament sa Disyembre.
Si Romero ay dating sumuporta sa Baseball Philippine gamit ang Manila Sharks na nagkampeon din sa liga.
“My answer is yes, I will help even in the formation of the national team,” wika ni Romero na aktibo rin sa PBA at minsan ay tumulong sa cycling at naupong pangulo sa shooting.
Walang problema kay Romero ang tumulong sa team sport na ito dahil ang kaibigang si Rich Cruz at Atty. Felipe Remollo ay kasama na sa bagong board ng PABA.
“I’m very happy na nasa PABA na sina Rich at Ping (Remollo). I’m very happy sa development sa PABA and I hope they can bring back the old glory days of baseball regarding sa pagiging dominant ng Pilipinas,” dagdag pa ni Romero.
Nasa P3 milyon ang kailangan ng Pilipinas para maisagawa ang hosting na pansamantalang nakakalendaryo sa unang linggo ng Disyembre.
“We are committed to host the event. Mahaba pa naman ang oras at kaya nating pagtulung-tulungan yan with the private sector. Kung kulangin ay saka tayo lalapit sa gobyerno,” pahayag ni Remollo.
Si Ely Baradas ang tinokahan na siyang mamahala sa paghahanda ng koponan katulong ang dating head coach na si Edgar delos Reyes para pangunahan ang preparasyon kasama ni Wilfredo Hidalgo.
Hindi rin kukulangin ang mga pagpipiliang manlalaro dahil puwedeng tapikin ang mga bata pero mahuhusay na manlalaro sa UAAP bukod sa mga dating kasapi ng national team.