MANILA, Philippines - Binigyan ng National U-17 girls volleyball team ang sarili ng momentum papasok sa knockout quarterfinals sa 10th Asian Youth Girls Volleyball Championship sa kaha-nga-hangang 25-11, 21-25, 25-5, 25-14, panalo sa New Zealand sa pagtatapos ng classification round kahapon sa MCC Hall Convention Center sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Nahanap ng Pambansang koponan ang mga butas sa depensa ng Kiwis para putulin ang dalawang magkasunod na talo na nalasap ng koponan sa kamay ng malalakas na bansa na Thailand at China.
May 1-2 baraha ngayon ang Pilipinas mula sa Pool E at makakaharap nila ang papangalawa sa Pool F sa knockout quarterfinals sa Biyernes.
Ang Japan at South Korea ay magkasalo sa liderato sa Pool F sa 2-0 baraha at sila ay nagtuos kagabi para malaman kung sino ang mangunguna sa grupo.
Anuman ang mangyari sa susunod na laro ay nahigitan na ng koponang hawak ni Jerry Yee ang ekspektasyon sa batang koponan dahil tiyak na maitatala nila ang pinakamagandang paglalaro sa torne matapos ang tatlong panalo.
Matatandaan na nagwagi ang koponan sa mas malalaking Australia at sixth seed India sa preliminary round para tabunan ang dating isang panalo na ginawa noong 2008 sa Manila.
Nakasali ang koponang ipinadala ng Philippine Volleyball Federation (PVF) dahil sa suporta ng private sector dahil hindi pa kinikilala ng Philippine Olympic Committee (POC) ang liderato ng NSA para hindi makakuha ng pondo sa Philippine Sports Commission (PSC).