MANILA, Philippines - Muling isusuot ng reigning PBA four-peat champions na San Mig Coffee ang uniporme ng Purefoods sa pagsisimula ng PBA Season 40 sa Linggo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Si James Yap at ang kanyang mga kakampi ay tatawaging Purefoods Star Hotshots sa kanilang pag-target sa pang-limang sunod na korona na sisimulan nila sa Miyerkules sa pagsagupa sa Alaska Milk Aces sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang inihayag ng management sa thanksgiving party sa Mega Tent sa Libis, Quezon City kahapon.
“We have new products under the Purefoods Star brand. We’re promoting these,” sabi ni Rene Pardo, ang kinatawan ng koponan sa PBA board.
“Saka swerte kami kapag nagpapalit ng pangalan. Champion agad,” ani Pardo.
Sumali ang prangkisa sa PBA noong 1988 at gamit ang Purefoods Hotdogs at naging instant hit dahil kina playing coach Ramon Fernandez, dating MVP Freddie Hubalde at mga prized amateur recruits na sina Jerry Codiñera, Jojo Lastimosa, Glenn Capacio at Jack Tanuan.
Lalo pang sumikat ang koponan sa paglalaro nina Alvin Patrimonio, Nelson Asaytono at Dindo Pumaren.
Sa ilalim ng Purefoods banner, kumuha si Patrimonio at ang tropa ng pitong PBA titles.
Sinikwat ni legendary coach Virgilio “Baby” Dalupan ang kanyang pang-15 PBA titles at ang kauna-unahan para sa Purefoods sa come-from-behind 3-2 titular series win kontra sa Alaska Milk noong 1990 Third Conference.
Inangkin ng Purefoods sa ilalim ng namapaya nang si Ely Capacio ang sumunod na all-Filipino tourney kasunod ang pagbibigay ng korona nina Chot Reyes, Eric Altamirano at Ryan Gregorio.