CARSON, California-- Bibitbitin ni Nonito Donaire Jr. ang magagandang panalo kina Jeffrey Mathebula at Toshiaki Nishioka sa pagtapak uli sa Stub Hub Center dito.
Ang nasabing venue ay dating kilala sa pangalang Home Depot Center at dito ginawa ang laban ni Donaire kina Mathebula at Nishioka noong 2012.
“Third time. Pero mas maganda pa ito,” wika ni Donaire na idedepensa ang hawak na WBA featherweight title laban sa walang talong si Nicholas Walters ng Jamaica sa Sabado (Linggo sa Pilipinas).
“I’m ready for the fight. I’m ready,” paniniyak pa ng 31-anyos kampeon na kilala rin sa taguri na “The Filipino Flash”.
Si Walters ay ma 24-0 karta at isa siyang knockout artist dahil 20 sa kanyang hinarap ay kanyang pinatulog.
Ngunit iba si Donaire sa kanyang makakaharap dahil puno ng determinasyon ang kampeon para patunayan sa lahat na taglay pa niya ang bangis sa magkabilang kamao.
Nagkaroon ng pagdududa sa kakayahan ni Donaire nang natalo kay two-time Olympic champion Guillermo Rigondeaux ng Cuba noong Abril ng 2013. Ang pagkatalo ay nagresulta para mahubad kay Donaire ang super bantamweight crown.
Pero inunti-unti ni Donaire ang pagbangon at sinimulan niya ito sa magagandang panalo sa dating katunggali na si Vic Darchinyan at Simpiwe Vetyeka.
Para sa labang ito ay dalawang buwan ang iginugol ng kampeon sa pagsasanay sa ilalim ng patnubay ng amang si Nonito Sr.
“I’m excited for this fight. I’m excited because my dad and I are finally one mentality. We are both excited. We’ll just see what the production is,” paliwanag pa ni Donaire.