Lions, Chiefs ikakamada ang titular showdown

MANILA, Philippines – Pangangatawanan ng San Beda Red Lions ang pagiging top seed sa elimination round sa pagpuntirya ng puwesto sa finals sa pagbubukas ng Season 90 NCAA men’s basketball Final Four ngayong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Katipan ng Red Lions ang Perpetual Help Altas sa unang seniors game sa ganap na alas-2 ng ha­pon at nais ng four-time defen-ding champion na maipagpatuloy ang dominasyon sa bataan ni coach Aric del Rosario.

Ang dalawang koponan ang nagtagisan sa semifinals sa huling dalawang edisyon at hindi nagkaroon ng problema ang Lions sa pagdispatsa sa Altas.

Dahil pinangunahan ang elimination nang talunin sa playoff ang Arellano Chiefs, ang Lions ay may twice-to-beat upang magkaroon pa ng isang pagkakataon sakaling masilat ng Altas.

“We can’t take them lightly and we have to be at our best” wika ni Fernandez na ang tinutukoy ay ang pag­husay ng mga kamador ng Altas na sina Juneric Baloria, Harold Arboleda at Earl Scottie Thompson.

Sina Ola Adeogun, Ba­ser Amer, Anthony Se­merad, Arthur Dela Cruz at Kyle Pascual na beterano na sa ganitong bakbakan ang mga mangunguna sa laban ng Lions.

Wala namang itulak-kabigin sa pagitan ng Arellano Chiefs at host Jose Rizal University Heavy Bombers na magtutuos dakong alas-4 ng hapon.

Ang Chiefs ang nalagay sa ikalawang puwesto para magkaroon ng twice-to-beat advantage na magpapalaki sa kanilang tsansa na madugtungan ang makasaysayang pagpasok sa playoff.

Sa kabilang banda, na­kabalik ang Bombers sa Final Four matapos ma­wala sa huling dalawang edisyon.

Determinado ang bataan ni coach Vergel Meneses na isantabi ang hamon ng Chiefs at manatiling bu­hay ang paghahabol ng kampeonato na huling natikman ng JRU noon pang 1972. (ATan)

Show comments