MANILA, Philippines – Dahil may pinaghahandaang SEA Games sa Singapore kaya’t hindi makakasali ang mga national athletes sa gaganaping 2015 Philippine National Games (PNG).
Pero hindi mangangahulugan na mawawalan ng saysay ang PNG dahil gagamitin ito para tumuklas pa ng mga bagong mukha para sa mas pinalaking 2016 edisyon.
Sa plano ng PSC na ipinaalam sa mga National Sports Associations sa isang pagpupulong kahapon, magkakaroon ng limang regional games na iikot sa NCR, Northern Luzon, Southern Tagalog, Visayas at Mindanao.
Bukod sa pagtuklas ng bagong mukha, magagamit din ng ibang NSAs na hindi pa popular na maipakilala ang kanilang sports disciplines sa probinsiya.
“Gold and silver medalists in the five regional games will be provided by PSC with free transportation to compete in the 2016 PNG. They will be facing members of the national athletes making the 2016 Games truly a battle between the best-of-the-best athletes,” wika ni PSC commissioner-in-charge Jolly Gomez.
Bagama’t magkatulad ang format ng PNG at Batang Pinoy, nilinaw ni Gomez na hindi magsasapawan ang dalawang grassroots program dahil ang Batang Pinoy ay para sa mga atletang edad 15-anyos pababa habang ang PNG ay para sa 16-anyos pataas.
Ang regional games ay nakakalendaryo mula Hulyo hanggang Disyembre dahil nakareserba ang Enero hanggang Mayo para sa mga clinics ng mga NSAs upang maihanda ang mga atletang nais na sumali sa kompetisyon.
Ang PNG ay isa sa grassroots program sa bansa na umaani ng mainit na suporta sa mga atleta at mga Local Government Units (LGUs). (AT)