MANILA, Philippines – Liderato ang paglalabanan ng Instituto Estetico Manila Volley Masters at FEU Tamaraws sa pagpapatuloy ngayon ng men’s division ng Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan City.
Ang laro ay magsisimula sa alas-4 ng hapon at lalakas pa ang paghahabol ng mananalong koponan sa unang dalawang puwesto na magtutuos sa kampeonato sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Magkakatabla sa 1-1 ang apat na koponang kalahok at lahat ng laro sa dibisyon ay umabot sa limang sets.
Inaasahang mahigpitan din ang bakbakan sa larong ito dahil parehong galing sa talo ang dalawang magtutuos.
Ang IEM na nanalo sa Systema Active Smashers sa unang asignatura ay natalo sa Rizal Technological University Blue Thunder habang ang Tamaraws na unang nagwagi sa Blue Thunder ay yumuko sa Active Smashers sa ikalawang asignatura.
Ikalawang sunod na panalo ang nakataya sa Cagayan Valley Lady Rising Suns sa pagbangga sa Meralco Power Spikers sa women’s division sa alas-6 ng gabi.
Hindi pa nakakatikim ng panalo ang Power Spikers matapos ang dalawang laro kaya’t nalalagay sila sa must-win para mapag-init ang nanlalamig na kampanya sa ligang may suporta pa ng Accel at Mikasa.
Hindi pa rin magagamit ng Cagayan at Meralco ang kanilang mga imports kaya’t dapat na makitaan ng impresibong laro ang mga locals.
Hindi pa makalaro ang mga imports ng Cagayan, Meralco at PLDT Home Telpad dahil hindi pa naisusumite ang International Transfer Certificate na ipinag-uutos ng international volleyball federation FIVB para sa mga dayuhan na nagsisilbing imports sa isang liga.