MANILA, Philippines – Binigo ni fifth seed Kevin Arquero sina top seed Jan Nigel Galan at No. 2 Jerich Cajeras para makasalo sa liderato si Rhenzi Kyle Sevillano sa sixth round ng Shell National Youth Active Chess Championships grand finals sa SM Megamall.
Ginitla ni Arquero, ang City University of Pasay standout na pumangalawa kay La Salle bet Aglipay Oberio sa Northern Luzon elims, si Cajeras sa second round at isinunod si Galan sa sixth round para makasalo si Sevillano sa unahan sa magkatulad nilang 4.5 points patungo sa huling tatlong rounds ng nine-round Swiss system tournament na itinataguyod ng Pilipinas Shell.
Nauna niyang tinalo si Adelaide Joie Lim matapos matalo kay NCR leg winner Melwyn Kenneth Baltazar sa third round at talunin si Felix Shaun Balbona sa fourth round.
Nakipaghati siya ng puntos kay Vincent Balena sa fifth round ng event na isinasabay sa centennial anniversary ng energy at gas technology leader sa Pilipinas.
Pinasinayaan ni Pilipinas Shell Social Investment manager Jackie Ampil ang pagbubukas ng two-day grand finals kasama si IM Oliver Dimakiling, isa sa mga produkto ng nasabing annual event, at ang pinakabatang finalist na si Mhage Gerriahlou Sebastian ng Binsang Elem. School (Northern Luzon).
Winalis naman ni fourth seed at NCR leg champion Dale Bernardo ng Holy Angel University ang kanyang unang apat na laro, kasama rito ang fourth round win kay No. 2 Stephen Rome Pangilinan, pagtabla kay top seed Julius Gonzales ng La Salle-Greenhills sa fifth at panalo kay Noel Geronimo ng UE sa sixth round para sa kanyang 5.5 points sa kiddies section.