RIO DE JANEIRO – Sa unang pagkakataon ay nakaharap ni LeBron James ang Miami Heat matapos bumalik sa Cleveland Cavaliers.
Nanalo ang Cavaliers kontra sa Heat sa overtime, 122-119, kung saan nagtala si James ng 7 points at 8 assists sa loob ng 20 minuto sa HSBC Arena.
Ito ang unang pagkakataon na nilabanan ni James ang Heat matapos magbalik sa Ohio nang tulungan ang kanyang mga dating kakampi sa pag-angkin sa dalawang NBA titles sa loob ng apat na taon.
“For me it was a special moment to be back there competing against my old teammates,” sabi ni James. “I didn’t get that awkward feeling, but a lot of memories came back about the things that we accomplished.”
Halos hindi nakipag-usap si James sa kanyang mga dating teammates bago ang laro at habang nasa kasagsagan ang aksyon.
“If you have to do something like this, I think it really benefits both teams to get the awkwardness out of the way in the preseason,” sabi ni Miami head coach Erik Spoelstra. “There was certainly a level of strangeness to it.”
Ayon kay Chris Bosh, dapat nang matutong maglaro ang Heat nang wala si James.
‘’For the last four years, of course, it’s been a little easier with LeBron handling the ball,’’ wika ni Bosh. ‘’He made everybody’s lives easier.’’
Sa Milwaukee, umiskor si Pau Gasol ng 20 points, habang nagdagdag si Jimmy Butler ng 18 para sa unang panalo ng Chicago Bulls sa tatlong preseason games mula sa 91-85 paggupo sa Milwaukee Bucks.
Nag-ambag si Derrick Rose ng 16 points, 5 rebounds at 4 assists sa 23 minuto para sa Bulls.
Kinuha ng Bulls ang 10-0 abante at hindi na nilingon ang Milwaukee.
Pinamunuan ni Larry Sanders, dumaan sa mga off-court issues at injuries sa nakaraang season, ang Bucks sa kanyang 14 points at 8 rebounds at nag-ambag si ZaZa Pachulia ng 12 points at 11 boards.
Naglista naman si Jabari Parker, ang No. 2 overall pick sa draft, ng 11 points sa kanyang debut sa home court ng Bucks.
Sa Istanbul, Turkey, Kumolekta si Tim Duncan ng 23 points at may 22 si Tony Parker para banderahan ang San Antonio Spurs sa 96-90 panalo kontra sa Fenerbahce Ulker sa isang exhibition game.
Kumolekta sina Parker at Duncan ng tig-7 rebounds para sa defending NBA champion Spurs, nagmula sa 93-94 kabiguan sa Alba Berlin noong Miyerkules sa Germany.
Nagdagdag si Manu Ginobili ng 12 points at 8 rebounds para sa San Antonio.
Si dating College of Charleston guard Andrew Goudelock ay may 30 points sa panig ng Fenerbahce Ulker.
Sa Connecticut, kumamada si Carmelo Anthony ng 16 points at nakamit ng New York Knicks ang kanilang unang panalo sa preseason matapos ang 96-80 paggiba sa Boston Celtics.
Nagtala si J.R. Smith ng 14, habang may tig-11 sina Tim Hardaway Jr. at Cleanthony Early.