MANILA, Philippines – Hindi binitiwan ng Rizal Technological University ang momentum mula sa pagkapanalo sa fourth set para maiuwi ang 25-22, 25-27, 12-25, 29-27, 15-11 panalo kontra sa Instituto Estetico Manila sa men’s division ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Naipakita ng collegiate team na Blue Thunder ang malaking puso nang hindi mataranta matapos makalamang ang Volley Masters sa huling dalawang sets para maagaw ang panalo at magkaroon ngayon ng four-way tie sa mga naglalabang koponan sa men’s category sa 1-1 karta.
Bitbit ng IEM ang 11-9 kalamangan pero tinapos ng RTU ang labanan sa pamamagitan ng 6-0 atake upang makabangon sa buhat sa five-set loss sa Far Eastern University sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Nabiyayaan pa ang Blue Thunder ng pagbawi sa naunang itinawag na net touch kay Alnasip Laja para kunin ang 12-11 kalamangan pati na ang momentum sa labanan.
Si Lala ay mayroong 23 puntos na lahat ay sa kills kinuha, habang si Sahud Masahud ay may 15 puntos, ang 14 dito ay galing sa kanyang atake.
Si Sabtal Abdul ay nagdagdag ng 10.
Si Jeffrey Jimenez ay nagtala ng 25 hits mula sa 21 kills at 4 blocks para pangunahan ang Volley Masters na nabigong sundan ang pagkapanalo sa Systema Active Smashers sa larong umabot din sa limang sets.
Lamang ang IEM sa spike, 63-57, sa block, 13-5, at sa serve, 5-4.
Bunga ng nasabing pagkakatabla sa 1-1 ng mga kasali sa ligang may ayuda ng Accel at Mikasa kaya’t asahan na mas magiging mahigpitan ang tagisan sa susunod na laro lalo pa at ang mangungunang dalawang koponan matapos ang double-round round elimination ang magtutuos para sa kampeonato.
Kasalukuyan pang naglalaro ang PLDT Home Telpad Turbo Boosters at ang Cagayan Valley Rising Suns sa women’s division habang isinusulat ito.