MANILA, Philippines – Sino pa ba ang magpapatunay ng kondisyon ngayon ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao kundi ang kanyang mga sparmates.
Humanga sina 5-foot-8 Mike Jones (26-2-0, 19 KOs), 5’10 Stan “The Man” Martyniouk (13-2-0, 2 KOs) at 5’11 Viktor Postol (26-0-0, 11 KOs) sa ipinakitang bagsik ni Pacquiao (56-5-3, 38) sa kanilang training camp sa General Santos City.
Ayon kay Martyniouk, hindi kakayanin ng 5’10 na si American challenger Chris Algieri ang mga suntok ng 5’6 na si Pacquiao.
“Some of the punches he throws are very fast and you don’t see them and that’s what he is going hurt Algieri with,” sabi ni Martyniouk sa panayam ng Rappler.
Idedepensa ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Algieri (20-0-0, 8 KOs) sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Bago pa man dumating sina Martyniouk, Jones, Postol at chief trainer sa Pilipinas ay araw-araw na ang ginagawang pagpapakondisyon ni Pacquiao.
Si strength and conditiong coach Justine Fortune ang unang dumating sa GenSan para gabayan ang kondisyon ng 35-anyos na Sarangani Congressman.
At hinangaan din niya ang ikinikilos ni Pacquiao
Sinabi ni Martyniouk na nasa kanyang pamatay na porma na ang Filipino boxing superstar.
At dahil dito ay tiyak na mahihirapan ang 30-anyos na si Algieri, ang WBO light welterweight titlist.
“Let me just say he is already in fight shape. I don’t think it will be a tough fight for Manny. But it will be a very tough fight for Algieri,” wika ni Martyniouk, tinalo ang dating sparmate ni Pacquiao na si David Rodela noong 2013.
Bukod kina Martyniouk, Jones at Postol, makakasabayan din ni Pacquiao sa sparring session si Jose Ramirez (11-0-0, 8 KOs), ang 2012 U.S. Olympian na nagdaos ng kanyang pro debut sa undercard ng pang-apat na paghaharap nina Pacquiao at Juan Manuel Marquez noong 2012.