MANILA, Philippines - Hinog na hinog na sina Juneric Baloria at Harold Arboleda ng Perpetual Help Altas kung ang pag-akyat sa PBA ang pag-uusapan.
Ang dalawang ito ay nakikitaan ng ibayong husay para tulungan ang Altas na makapasok sa 90th NCAA Final Four.
Ito ang ikatlong sunod na taon na nasa semifinals ang koponan ni coach Aric del Rosario at makakalaban nila ang four-time defending champion San Beda Red Lions sa Final Four na magsisimula sa Miyerkules sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Arboleda ang nanguna sa pagpuntos sa elimination round sa 21.14 kada laro. Pero nakakatulong din siya sa ibang aspeto ng laro tulad sa rebounding (5.21), assists (2.79) at steals (1.14).
Hindi nagpapahuli ang 6’4 na si Arboleda na may 13.79 puntos, 8.86 rebounds, 5 assists at isang steal average.
Napaganda rin ni Arboleda ang kanyang shooting sa 3-point line sa 41 percent performance.
“Sinabi ko sa kanila last year na kung gusto nilang maglaro sa PBA, kailangan hindi lamang sila maaasahan sa scoring,” wika ni Del Rosario.
Tinuran pa ng coach na nadagdag pa kay Baloria ang depensa habang si Arboleda ay maaasahan na sa 3-point shooting at sa pag-assist na kailangan niya sa PBA lalo pa’t hindi naman siya ganoong kalakihan para maging power forward sa pro league.
Nagpasalamat sina Baloria at Arboleda sa exposures na nakuha habang naglalaro sa Altas kaya’t nag-ibayo ang ipinakita sa liga sa season na ito.
At dahil dito, gagawin ng dalawa ang makakaya para maipasok sa Finals ang Perpetual.
“Ang Perpetual ang nakatulong sa akin para maabot ko ang kinalalagyan ko ngayon kaya sisikapin kong maipasok sila sa Finals,” wika ni Baloria.
“Mas maganda bago umakyat sa PBA ay may NCAA title ako at ito ang gusto kong mangyari,” dagdag ni Arboleda.
Sina Baloria at Arboleda ay maglalaro sa NLEX Road Warriors matapos ipagpalit ng mga kumuha sa kanila sa PBA Draft na Blackwater at Talk N’ Text.