Loreto itataya ang titulo vs Indons

MANILA, Philippines - Lalabanan ni Filipino junior flyweight champion Rey “Hammer” Loreto si Heri Amol ng Indonesia sa isang tune-up fight sa Davao City Recreation Center.

Nangako si Loreto na tatalunin si Amol sa harap ng kanyang mga kababayan.

Ang nasabing fight card ay isasabay sa paglulunsad ng Sonshine Sports TV na gusto ring i-promote ang iba pang sports sa pamamagitan ng kanilang network na pagmamay-ari ni Pastor Apollo Quibuloy.

Nagtungo si Loreto sa Monaco noong Pebrero kasama ang ilang tao na nag-isip na hindi niya maagaw ang IBO junior flyweight title mula kay Nkosinathi Joyi ng South Africa.

“His role there was to be fed to the lion,” sabi ni Sonshine Sports Management CEO at dating North Cotabato governor Manny Piñol.

“But he knocked out Joyi in the third round and became the IBO champion,” dagdag pa ni Piñol sa 23-anyos na tubong Davao at nasa pangangalaga ni Brico Santig.

Ang panalo ni Loreto ang gumulat sa kampo ng South African na kaagad humingi ng rematch sa Disyembre 12 sa South Africa.

Ngayon ay determinado si Loreto, nasa ilalim ng kampo ng SSM, na panatilihing suot ang kanyang korona.

Show comments