Pantanosas kampeon sa Sun Cellular Nat’l Jr. Badminton tourney

MANILA, Philippines - Dalawang titulo ang napanalunan ni Daniel Pantanosas sa 17-under sa huling yugto ng 1st Sun Cellular-Ming Ramos National Juniors Badminton Tournament Mindanao leg kamakailan sa Tuna Sma­shers Badminton courts sa General Santos City.

Kinatawan ang Shuttle Busters ng Cagayan de Oro, tinalo ni Pantanosas  si Miguel Gibhran Pana, 21-11, 21-10, para manalo sa boy’s singles bago naki­pagtambal kay Pana upang gapiin sina Paolo Joshua Olango at Kurt Anthony Ramos, 21-16, 21-17, para sa doubles  title.

Ang tatlong yugtong torneo ay suportado ng Sun Cellular, SMART Com­munications, Manny V. Pangilinan (MVP) Sports Foundation, Philippine Badmintos Association (PBA), Smash Pilipinas at Babolat.

Ang iba pang tinanghal na kampeon ay sina Arthur Samuel Salvado ng Davao City (15-under singles), Michael Jastine Perez ng Mati City (13-under) sa kalalakihan, sina Jiselle Joy Capillo (17-under), Ma. Lourdes Babanto ng CDO Shuttle Busters (15-under) at Nevie Tan ng C-One (13-under) sa kababaihan.

Pumaimbulog pa sa doubles sina Ron Danelle Cabalquinto at Julius Fontanilla (15-under boys) at sina Marinel Diansay at Macy Ann Patricia Salvado (19-under), Sofia Milen Enriquez at Jennifer Saldaga (17-under) at Ma. Lourdes Babanto at Maxene Renee Olango (15-under) sa kababaihan.

Show comments