SENDAI, Japan-- Napailing na lamang si Rey Guevarra ng Manila West matapos makita ang mga makakaharap sa FIBA 3x3 World Tour Finals dito.
“Ang la-laki,” sabi ng Meralco Bolts forward sa mga players mula sa Denver at Santos ng Brazil sa paghihintay nila sa kanilang mga bagahe sa Sendai Airport matapos ang two-hour domestic flight galing sa Tokyo.
“Sa Manila, maliliit lang ang kalaban natin except for Doha (Qatar). Pero dito malalaki na lahat, puro champion pa,” dagdag pa nito.
Naunang dumating si Guevarra kasunod sina Globalport guard Terrence Romeo at La Salle Greenhills coach John Flores.
Nakatakda namang sumunod sina KG Canaleta, dinala ng Talk ‘N Text sa NLEX para sa isang trade, at Aldrech Ramos kasama si Samahang Basketbol ng Pilipinas executive director Sonny Barrios.
Ang nasabing apat na PBA players ang bumubuo sa Manila West team na tumalo sa world champion Doha ng Qatar, 21-17, sa FIBA 3x3 Manila Masters final noong Agosto sa SM Megamall.
Lalabanan ng Team Manila sa Pool B ang Brazil ngayong ala-1:10 ng hapon at magbabalik sa alas-2:55 para labanan ang Bucharest.
Kung matatalo nila ang nasabing dalawang koponan ay papasok ang tropa sa quarterfinals kontra sa qualifier mula sa Pool C na kinabibilangan ng Kranj ng Slovenia, Jakarta at Wukesong ng China.
Tinitigan ang mga NBA-type players mula sa Chicago Masters, sinabi ni Guevarra na, “Kunan natin picture, si Kevin Love at Tracy McGrady ata yung mga yon e.”
Nagbalik ang dalawang players ng Doha na may injury matapos sumabak sa Incheon Asian Games na pumuwersa sa Qataris para umatras sa 3x3 Finals na nagpasok sa Jakarta ng Indonesia, tinalo ng Manila West sa semifinals, 18-14, sa FIBA Manila Masters.
Ngunit hindi natatakot si Guevarra sa kanilang mga kalaban.
“Di lang naman nakukuha sa puro laki yan e. Kailangan naming magtulungan, magka-isa dapat yung tatlong nasa loob, magkaintindihan,” ani Guevarra. “Kailangan iniikot ang bola mabuti, teamwork at alam ng bawat isa ang ginagawa ng kasama niya.”