MANILA, Philippines – Iiwas ang Meralco Po-wer Spikers at FEU Tamaraws na malagay sa huling puwesto sa nilalaruang dibisyon sa pagpapatuloy ngayon ng Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan City.
Ang Power Spikers ay masusukat uli sa debutanteng PLDT Home Telpad Turbo Boosters sa women’s division na mapapanood dakong alas-6 ng gabi.
Unang sasalang ang Tamaraws laban sa gaya nilang collegiate team na Rizal Technological University Blue Thunder sa men’s division sa ganap na alas-4 ng hapon.
Double-round robin ang elimination round ngunit ang mangungunang dalawang koponan matapos ang yugto ang siyang maglalaban sa kampeonato ng liga kaya’t kailangang pumukpok agad ang Meralco at FEU.
Ang Army Lady Troopers ang namamayagpag sa kababaihan sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s sa 2-0 baraha.
Unang bumagsak sa Lady Troopers ay ang Power Spikers sa 19-25, 18-25, 18-25, bago ito sinundan ng Army ng 17-25, 25-17, 17-25, 25-21, 15-13, panalo sa Cagayan Valley Lady Rising Suns.
Sina Abby Maraño, Stephanie Mercado, Maica Morada, Maureen Penetrante-Ouano at import Misao Tanyama ang mga magtutulung-tulong para hindi lumasap ng ikalawang sunod na pagkatalo.
Dalawang imports ang nasa koponan ng Meralco pero si Wanida Kotruang ay hindi pa nakakalaro dahil hindi pa niya naisusumite ang International Transfer Certificates na hinihingi ng FIVB sa mga dayuhang manlalaro na kasali sa isang liga.