MANILA, Philippines – Ang ikalawang sunod na panalo ang nakataya sa Army Lady Troopers, habang babangon mula sa pagkatalo ang Systema Active Smashers sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kalaro ng Lady Troopers ang Cagayan Valley Lady Rising Suns sa women’s division sa alas-6 ng gabi.
Bago ito ay magtutuos ang Active Smashers at ang FEU Tamaraws sa alas-4 ng hapon at nais ng una na pumasok sa win column sa men’s division.
Nasayang ang 8-6 kalamangan na hinawakan ng Systema sa ika-lima at huling set nang lasapin ang 25-17,19-25,18-25, 25-20, 12-15 pagkatalo sa IEM Volley Masters sa pagbubukas ng ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s noong Linggo.
Kailangang makita ang tikas ng mga beterano ng Active Smashers dahil determinado ang Tamaraws na makasilat agad sa liga.
Walang naging problema sa Army ang paglalaro ng walang imports matapos ang 25-19, 25-18, 25-18 straight sets win sa Meralco Power Spikers sa unang laro sa women’s division.
Balak tuhugin ang ikalawang sunod na kampeonato sa torneong may ayuda ng Accel at Mikasa, nakita ang buti sa paghugot kay 6-foot-2 Dindin Santiago matapos maghatid ng 10 points.
Lalong bumangis ang opensa ng tropa ni coach Rico de Guzman dahil hindi nawala ang galing nina Jovelyn Gonzaga, Mary Jean Balse, Rachel Ann Daquis at Tina Salak.
Tiyak na susukatin ang lalim ng Lady Troopers ng Lady Rising Suns na nais na bawian ang katunggali matapos agawin ang dating kampeonato sa nagdaang conference.