MANILA, Philippines – Gusto ng Malacañang na tutukan ng mga sports officials ang mga sports events kung saan malaki ang potensyal ng bansa na manalong gintong medalya
Ito ang sinabi kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. sa panayam ng radio station dxRB.
“Ang paniwala po ng ating Pangulo diyan ay maaari naman siguro tayong mag-focus ng resources doon sa ilang sports na mayroon talagang competitive advantage ang mga Pilipino at maaaring magpakita ng kahusayan,” wika ni Coloma.
Tumapos ang Pilipinas sa No. 22 sa kabuuang 45 bansang sumabak sa Incheon Asiad na pinagharian ng China.
Kabuuang 1 gold, 3 silvers at 11 bronze medals ang nakolekta ng mga Pinoy athletes sa naturang quadrennial event.
Noong 2012 ay humirang ang Philippine Olympic Committee at ang Philippine Sports Commission ng 12 sports sa kanilang priority list mula sa direct order ni Presidente Benigno Aquino III.
Ang mga sports na inilagay sa priority program ay ang boxing, taekwondo, athletics, swimming, wushu, archery, wrestling, bowling, weightlifting at billiards.
Bagama’t kinastigo ni Coloma ang PSC dahil sa nakakadismayang kampanya ng bansa sa Incheon Asiad ay ang mga National Sports Associations (NSAs) ang siyang nagsasanay at naghahanda sa mga atleta.
Sa ilalim ng Republic Act 6847 na nagtatag sa PSC noong 1990, ang trabaho lamang ng sports agency ay ang magpondo sa mga NSA para sa SEA Games, Asian Games at sa Olympic Games.
Sinabi ni Coloma na dapat pang magtrabaho nang husto ang PSC para sa susunod na mga event.
“Siguro ay malinaw naman ang pagpapahiwatig niyan na marami pa ang dapat gawin ng ating Philippine Sports Commission para mapahusay ang performance ng ating mga manlalaro,” ani Coloma.