INCHEON, Korea -- Walang reklamo si Chief of Mission at Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia sa ipinakita ng 150-Pambansang atleta sa 17th Asian Games na natapos kahapon dito.
Matapos ang 16 na araw ng kompetisyon, ang Pilipinas ay mag-uuwi bitbit ang 15 medalya na hinati sa isang ginto, tatlong pilak at 11 tansong medalya.
Si Daniel Caluag ang siyang nagsalba sa delegasyon sa sana’y gold medal shutout nang napatunayan na siya ang tunay na No. 1 sa BMX competition nang dominahin ang tatlong karerang nakapaloob dito.
Ngunit sa kabuuan ng medal standings, ang Pilipinas ay nagkasya lamang sa ika-22 puwesto at lumabas na nasa ika-pitong puwesto laban sa mga kapitbahay na bansa sa Southeast Asian.
Ito na ang ikatlong pinakamababang medal output sa kasaysayan ng pagsali ng Pilipinas sa Asian Games mula noong 1951 at ang kabuuang bilang ng hinakot na medalya ay pinakamababa mula 1994 Hiroshima Games.
Ang pinakamasamang marka ng bansa sa tuwing apat na taong kompetisyon ay nangyari noong 1975 sa Tehran nang walang naiuwing gintong medalya ang delegasyon pero mayroong dalawang pilak at 11 tansong medalya.
Ang ikalawang pinakamababa ay naganap noong 1990 sa Beijing, China sa 1-2-7 gold-silver-bronze medals.
Ang delegasyon na inilaban sa Hiroshima ay mayroong kabuuang 13 medalyang pananalunan pero tatlo rito ay mga gintong medalya.
Aminado si Garcia na kinapos ang koponan na maabot ang target na tatlong gintong medalya na nakuha sa Guangzhou, China noong 2010 pero hindi nangahulugan na bigo o nagsayang lamang ng pera ang Pilipinas.
“I’m very happy with the results even if we expected more gold medals,” wika ni Garcia. “We were deprived of at least 2 of 3 more golds.”
Ang mga boxers na sina Mark Anthony Barriga at Ian Clark Bautista ay nabiktima ng masamang judging na kung naging patas ay posibleng nagresulta pa sa dalawa pang gintong medal na sasapat sa kanilang target.
“Our athletes gave it all. They represented the country well,” dagdag pa ni Garcia.
Pinuri man ang mga atleta, kikilos din ang PSC at rerebisahin ang nangyari sa paghahanda at partisipasyon ng mga National Sports Associations (NSAs) upang maitama ang ibang pagkakamali lalo pa at sa Hunyo ng 2015 ay sasalang muli ang bansa sa SEA Games sa Singapore.
Sumali ang Pilipinas sa 25 sa 35 sports na pinaglabanan pero anim lamang ang naghatid ng medalya at ito ay ang archery, boxing, cycling, karate, taekwondo at wushu.
Ang mga medalists ng Pilipinas ay sina Daniel Caluag – BMX cycling (gold); Charly Suarez – boxing, Jean Claude Saclag – wushu sanda at Daniel Parantac wushu taolo (silver); Paul Marton dela Cruz – archery, Maerk Anthony Barriga, Mario Fernandez, Wilfredo Lopez – boxing, Benjamin Keith Sembrano, Samuel Morrison, Mary Anjelay Pelaez, Levita Ronna Ilao, Kirstie Elaine Alora – taekwondo, Mae Soriano – karatedo at Francisco Solis – wushu sanda (bronze).
Hindi naman nakaporma ang Gilas PIlipinas nang tumapos bilang pang-pito sa men’s basketball.
Malaki ang inasahan sa Nationals matapos ang kampanya sa 2014 FIBA World Cup sa Spain kung saan nila sinabayan hanggang sa pagtunog ng final buzzer ang mga bigating koponan ng Argentina, Croatia, Greece, Puerto Rico at tinalo ang Senegal para sa kanilang 1-4 record sa world meet na muling pinagharian ng Team USA.