Laro Ngayon
(The Arena,
San Juan City)
10:30 a.m. SSC
vs Perpetual (jrs/srs)
2:30 p.m. San Beda
vs Arellano (srs/jrs)
MANILA, Philippines - Angkinin ang ikalawa at huling ‘twice-to-beat’ advantage ang hangad ng Arellano University, habang ang playoff para sa huling upuan sa Final Four ang puntirya ng Perpetual Help sa pagpapatuloy ng 90th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang ika-13 panalo ang makukuha ng Chiefs sakaling manalo laban sa four-time defending champions na San Beda Red Lions sa tagisang magsisimula sa alas-2:30 ng hapon.
Sapat na ito para samahan ang Red Lions na may mahalagang ‘twice-to-beat’ incentive sa semifinals dahil wala ng ibang koponan ang aabot sa 13 panalo.
Ang Altas ay masusukatan naman sa San Sebastian Stags sa ganap na alas-12:30 ng tanghali at puntirya ang ika-12 panalo para sa playoff berth.
Kasalo ngayon ng Perpetual ang host Jose Rizal University na walang hirap na kinuha ang ika-11 panalo sa 17 laban dahil hindi nakabuo ng limang manlalaro ang Mapua Cardinals sa kanilang tagisan kahapon.
Umangat naman ang Letran Knights sa 8-9 baraha matapos ang 77-52 pagdurog sa Lyceum Pirates sa ikalawang laro.
Sina Ford Ruaya at Mark Cruz ay natumpok ng 19 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa tagumpay ng Knights na wala pa rin ang head coach na si Caloy Garcia.
Sinisilbihan ni Garcia ang kanyang ikalawang suspensyon na ipinataw sa kanya ng NCAA matapos ang pagpapatalsik sa kanya sa laro dahil sa double technical foul sa kanilang laro laban sa Chiefs noong Setyembre 24.
Hindi rin nakasama ng Knights si forward Kevin Racal na nagpaopera ng tuhod dahil sa kanyang ACL injury. (ATan)