Phl Azkals lalabanan ang Malaysia at Nepal sa mga friendly matches
MANILA, Philippines - Matapos mabigo sa finals ng nakaraang 2014 PFF Peace Cup ay magbabalik sa aksyon ang Philippine Azkals sa paglalaro ng mga friendlies laban sa mga national teams ng Malaysia at Nepal.
Haharapin ng Azkals ang regular opponent na Malaysia Tigers sa Oktubre 11 sa Shah Alam sa Selangor.
Matapos ito ay lalabanan naman ng koponan ang Nepalese.
Ito ay isasabay sa kanilang training camp na gagawin sa Doha, Qatar.
Natalo ang Azkals sa bisitang Myanmar, sa extra time, 2-3, sa finals ng 2014 PFF Peace Cup na inilaro sa Rizal Memorial Sports Complex.
Nabigo ang grupo na maidepensa ang naturang kampeonato sa pangatlong sunod na pagkakataon.
Muling bubuksan ng Azkals ang kanilang training camp sa Sabado bilang paghahanda sa kanilang pang-limang paghaharap ng Tigers sapul noong 2012.
Naglaban ang Azkals at ang Malaysia sa dalawang scoreless draws ngayong taon.
Ang una ay idinaos sa Selayang at ang ikalawa ay ginawa sa Cebu.
Noong 2012 ay nagtabla ang mga laban ng Azkals at Tigers.
Sasagupain naman ng Azkals ang tropa ng Nepal sa ikalawang sunod na pagkakataon ngayong taon.
Umiskor ang Azkals ng 3-0 panalo kontra sa Nepalese noong Abril 11.
Sinusubukan ring ayusin ang mga friendly matches ng Azkals laban sa mga Qatari clubs.
Posible ring makatapat ng Philippine team ang national squad ng Qatar.
Pinaghahandaan ng koponan ang darating na 2014 AFF Suzuki Cup sa Nobyembre.
Nakapasok ang Azkals sa semifinal round ng dalawang edisyon ng naturang torneo.
Gusto ni head coach Thomas Dooley na makakuha ng anim na international matches para sa preparasyon ng Azkals sa AFF Suzuki Cup.
- Latest