INCHEON, Korea – Tumiyak si bantamweight Mario Fernandez ng bronze medal matapos dominahin si Shiva Thapa ng India, 3-0, sa men's boxing competition ng 17th Asian Games kahapon sa Seohak Gymnasium dito.
Solidong mga suntok ang naikonekta ng 21-anyos na si Fernandez, ang 2013 Southeast Asian Games gold medalist, kay Thapa para makipagkita kay Zhang Jiawei ng China sa semifinal round.
Hindi umubra ang atake ng 20-anyos na si Thapa, ang bantamweight winner noong 2013 Asian championships sa Amman, Jordan, matapos tumanggap si Fernandez ng mga iskor na 30-27, 29-28, 30-27 para sa kanyang unanimous decision victory.
Nagtala naman ang 25-anyos na si Zhang, ang silver medalist noong 2010 Asian Games sa Guangzhou, China, ng 3-0 panalo kontra kay Omurbek Malabekov ng Uzbekistan.
Maglalaban sina Fernandez at Zhang sa semifinals bukas kasabay ng upakan nina lightweight Charly Suarez at Obada Mohammad Mustafa Alkabesh ng Jordan.
Nagposte rin ng panalo si light flyweight Mark Anthony Barriga laban kay Hasanboy Dusmatovov ng Uzbekistan, 3-0, papasok sa semis para makatiyak ng bronze medal.
Susubukan naman nina middleweight Wilfredo Lopez na makaabante sa semis.
Lalabanan ng 29-anyos na si Lopez, tinalo si Iraqi Abdulridha Waheed noong Lunes, si Shinebayar Narmandakh ng Mongolia sa quarterfinals.