INCHEON, KOREA – Dalawang bronze medals ang naiambag nina Samuel Morrison at Levita Ronna Ilao sa pagsisimula ng taekwondo competition sa 17th Asian Games kahapon sa Ganghwa Dolmens Gymnasium dito.
Sinagupa ni Morrison, isang silver medalist noong 2013 World Championships sa Puebla, Mexico, si Masoud Hajizarvareh ng Iran sa semifinals sa men’s -74kg division at minalas na lumasap ng referee-stop-contest loss.
May 1:32 sa orasan sa second round nang nakitang sinadya ng Iranian jin na sikuhin sa kaliwang colar bone si Morrison na hindi na nakatayo dahil sa sakit at kaagad isinugod sa ospital.
Hindi rin pinalad si Ilao na pumasok sa gold medal bout sa women’s -49kg. category nang yumukod kay Zhaoyiu Li ng China, 1-5.
Lumaban din sina Kristopher Robert Uy at Nicole Abigail Cham pero hindi sila umabante sa medal round sa men’s -87kg at women’s -53kg. divisions, ayon sa pagkakasunod.
Si Uy ay nanalo muna kay Chao Hao ng Macau, 9-2, peo pinatalsik ni Linglong Chen ng China, 3-5, sa quarterfinals, habang si Cham ay sibak agad sa unang laban kontra kay Sarita Phongsri ng Thailand, 0-12.
Ang iba pang lalaban ay sina Pauline Louise Lopez (women’s -57kg.), Mary Anjelay Pelaez (women’s -46kg) at Christian Dela Cruz (men’s -80kg).
Matapos ang ika-12 araw ng kompetisyon sa Incheon Asiad, ang Pilipinas ay wala pa ring gintong medalya pero may dalawang pilak at apat na tanso para malagay sa medal tally.
Ang dalawang silver medal ay nanggaling kina Daniel Parantac at Jean Claude Saclag sa wushu competition.