Dalawang finals berth pag-aagawan ngayon

MANILA, Philippines – Pag-aagawan ng nagdedepensang Green Archers, Tamaraws, five-peat champions na Blue Eagles at Bulldogs ang dalawang Finals berth.

Ang sinuman sa apat ay maaaring sumikwat sa da­lawang tiket para sa best-of-three championship series ng 77th UAAP men’s basketball tournament.

Lalabanan ng No. 3 De La Salle University ang No. 2 Far Eastern University ngayong alas-6 ng gabi matapos ang salpukan ng No. 1 Ateneo De Manila University kon­tra sa No. 4 National University sa alas-2 ng hapon sa Final Four sa Smart Araneta Coliseum.

Sa unang laro sa alas-11 ng umaga ay magtatagpo ang NU Lady Bulldogs at ang FEU Lady Tamaraws sa Game One ng kanilang titular showdown sa women’s di­vision.

Tinalo ng Green Archers ang Tamaraws, 94-73, no­ong Setyembre 27 kung saan humugot si star forward Je­ron Teng ng 18 sa kanyang 25 points sa second half.

Bilang No. 1 at No. 2 team, tangan ng Ateneo at FEU ang ‘twice-to-beat’ advantage kontra sa NU at La Salle, ayon sa pagkakasunod, sa Final Four.

Ginulat naman ng Bulldogs ang Blue Eagles, 78-74, no­­ong nakaraang linggo para makapuwersa ng ‘do-or-die’ game.

“It’s anybodoy’s ballgame on Wednesday,” deklaras­yon ni head coach Eric Altamirano matapos ang nasa­bing tagumpay ng kanyang NU laban sa Ateneo ni mentor Bo Perasol.

Sa kabila ng nasabing kabiguan ay positibo pa rin ang pananaw ni Perasol.

"We were able to make adjustments and we were al­so able to make the shots that we wanted to make," ani Pe­rasol. "It's just that, the bottom line is hindi rin kami naka-depensa against them. That was the thing against NU.”

Kung mananalo ang Green Archers at ang Blue Eagles ay magsasagupa sila sa UAAP Finals sa pang-li­mang pagkakataon matapos noong 1998, 2001, 2002 at 2008.

Hangad naman ng Tamaraws ang kanilang unang fi­nals appearance matapos ang tatlong taon, samantalang target ng Bulldogs ang kanilang kauna-unahang fi­nals stint sapul noong 1970. 

Show comments