MANILA, Philippines - Anuman ang maging resulta ng kampanya ng bansa sa 17th Asian Games sa Incheon, China ay alam na ng Philippines Sports Commission ang kanilang magiging 2015 budget mula sa Kongreso.
Sinabi ni PSC Commissioner Buddy Andrada na inaprubahan ang pondo nilang P186 milyon para sa 2015 sa congressional hearing noong nakaraang Biyernes.
“That’s what Congress wants to give us,” wika ni Andrada, nakasama si PSC Commissioner Iggy Clavecilla sa nasabing pagdinig.
Si PSC chairman Richie Garcia ay nasa Incheon Asiad bilang Chef-de-Mission ng Philippine contingent.
Ang nasabing budget na inaprubahan ng Kongreso ay mas mataas kumpara sa P183 milyon na gustong ibigay ng Senado sa PSC para sa 2015.
Ang pinal na PSC budget ay pagdedesisyunan sa bicameral body.
Ang pondo mula sa Kongreso na tinatawag na General Appropriations Act ay ibinibigay sa sports commission para sa araw-araw na gastusin.
Ito rin ang ipinapasuweldo sa mga PSC officials at employees pati na sa pagpapatupad ng mga grassroots programs at infrastructure.
Ang bulto ng PSC budget na tinatawag na National Sports Development Fund ay halos P400 milyon bawat taon.
Ang NSDF ang ipinangbibili ng PSC sa equipment, panggastos sa local at international training ng mga atleta at monthly allowances ng mga atleta at coaches mula sa 50 NSAs (National Sports Associations).