Appleton, Boyes nagkampeon sa 2014 World Cup
MANILA, Philippines - Gumawa ng kasaysayan sina Darren Appleton at Karl Boyes nang maghari sa 2014 World Cup of Pool mula sa mahigpitang 10-9 panalo kontra kina Nick van den Berg at Niels Feijen ng Holland sa pagtatapos ng kompetisyon noong Linggo sa Mounthbatten Centre, Portsmouth, Great Britain.
Sinandalan ng dalawa na kumatawan sa England A team ang suporta ng mga manonood para makahugot ng dagdag na lakas upang makabangon mula sa 3-6 at 7-9 iskor sa race-to-10 finals.
Halos malaglag sa upuan ang mga panatiko ng home team matapos ma-scratch ang cue ball sa sargo ni Appleton.
Pero bumalik sa mesa sina Appleton at Boyes matapos ang sablay ni Feijen sa 8-ball.
Nanlumo muli ang mga manonood nang sablay din sa 8-ball si Boyes pero nabuhayan naman dahil masama ang pa-bandang tira ni Van den Berg.
Libre na ang 8-ball na madaling naipasok ni Appleton bago isinunod ang 9-ball patungo sa panalo.
Bukod sa $60,000.00 premyo ay sina Appleton at Boyes ang ikalawang home team pa lamang na nanalo sa kompetisyon.
Ang unang nakapagtala nito ay sina Filipino billiards legends Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante noong 2009 sa SM North.
- Latest